Preso naimpeksyon ng pigsa, tigok

Nasawi ang isang 34-anyos na person under police custody (PUPC) matapos maimpeksiyon ang pigsa sa kanyang katawan sa Taguig City nitong Martes ng hapon.

Idineklarang patay na dakong alas-3:40 ng hapon, Marso 31, sa Pateros District Hospital sa Brgy. Western Bicutan ang preso na si Ramil Rubio Malteza, nakatira sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal na may kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2012.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-11:30 ng umaga nang ipaalam ng dalawang kapwa bilanggo sa naka-duty na custodial officer na dumadaing si Malteza dahil sa sakit ng pigsa nito at nanginginig habang nasa selda.

Pansamantalang inilabas ng selda si Malteza at inilagay sa well-ventilated na lugar at itinawag sa Taguig Rescue Team.

Matapos tingnan ng rescue team, dinala si Maltezo sa nasabing pagamutan na may kasamang police escort. Subalit ilang oras lang ay binawian ito ng buhay.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng mataas na level ng bacterial infection sa dugo si Malteza dahil sa kanyang pigsa sa katawan.

Dahil umano sa sobrang init sa selda at siksikan at pumapasok ang singaw ng nasa 42 unit ng aircon ng mga katabing gusali bukod pa sa kulang sa bentilasyon kaya nagkaroon ng pigsa ang preso.

Kaugnay nito, inutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major General Debold Sinas ang pagsasagawa ng disinfection sa detention facility at gawin ito ng regular at mandatory ang araw-araw na paliligo ng mga preso.

Inatasan din ni Sinas ang hepe ng Taguig City Police na makipag-ugnayan sa pamahalaang lokal at sa City Health Office para maayudahan ang kinakailangang gamot ng mga preso na nagkakaroon ng ganitong sakit.

Nabatid pa na Bbnigyan na rin ng mga antibiotic ang iba pang preso na may pigsa upang hindi na humantong sa sinapit ni Malteza.(Armida Rico)