Kamatayan ang sinapit ng isang preso na hinihinalang nadale ng heat stroke nang mahirapang huminga sa siksikang detention facility ng Manila Police District (MPD)-Station 3 kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni SPO2 Lester Evangelista ng MPD-Homicide Section ang nasawing bilanggo na si Enrico Borromeo, 50-anyos, biyudo, na may kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon nang magreklamo ng paninikip ng dibdib ang biktima sa kapapalit lamang na jailer na si PO1 Michael Pepino.

Isinugod siya ni Pepino sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit dakong alas-8:07 ng gabi ay idineklarang patay na si Borromeo ni Dr. Steffi Abrazado.

Wala namang nakitang external o physical trauma sa katawan ng biktima maliban sa hematoma o pamumuo ng dugo sa kanang eyelid nito na posibleng dahilan umano ng hypertension.

Dumating sa pagamutan ang mga kaanak ng biktima nang mabalitaang nasawi ito at hiniling na ipa-awtopsiya ang bangkay para makasiguro na hindi nabiktima ng foul play.

Nalaman din na mula nang maaresto at makulong ang biktima ay hindi man lamang ito dinalaw ng kaanak. (Juliet de Loza-­Cudia)