Hindi na nabuhay pa ang isang 35-anyos na bagong pasok pa lamang sa kulungan nang bugbugin ng kapwa nito preso sa Dasmariñas City, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Joey Bital, habang kinilala ang iningusong suspek at kapwa nito preso na si Joel Barcelona.

Sa ulat ni PSSgt Gibert Santos ng Dasmariñas City Police, dakong alas- 9:10 Martes ng umaga nang naganap ang insidente sa Dasmarinas City Custodial Center. Sa hindi tukoy na dahilan ay binugbog diumano ng suspek ang biktima.

Dahil sa tinamong pinsala ng biktima ay nawalan ito ng malay at bumagsak sa sahig ng kulungan hanggang sa tumawag ng tulong ang mga kasamahan nilang preso sa jail officer na siyang humingi ng tulong sa rescue team subalit nabatid na hindi ito makakarating kaya sa tulong ng ibang presinto pa umano kaya nadala sa pagamutan si Bital.
Pero namatay din ito habang ginagamot.

Ang biktima ay inaresto at nakulong sa isang buy-bust operation noong Abril 18 habang ang suspek ay nakulong noong nakaraang buwan dahil sa kasong paglabag sa Executive Order 10 Series 2020, Disobedience to an Agent of Person in Authority at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Gene Adsuara)