Preso sa Parañaque City Jail namatay

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang bilanggo sa Parañaque City Jail matapos na mawalan ito ng malay kahapon nang mada­ling-araw.

Nagawa pang isugod sa Ospital ng Parañaque pero hindi na umabot ng buhay ang presong si Gabriel Garay y Cantonos, 31-anyos, na nakulong sa kasong illegal possession of deadly weapon.

Base sa report ni Supt. Jenny Tecson ng Public Information Office ng Southern Police District, dakong alas-11:33 nang gabi nang maganap ang insidente sa loob ng selda ni Cantonos.

Agad na isinugod si Cantonos ng naka-duty na jail officer sa nasabing pagamutan.

Dakong alas-3:10 nang madaling-araw nang idineklara ni Dr. Maria Andrea Santos na siyang attending physician, na nasawi na si Cantonos habang nilalapatan ito ng lunas.

Batay sa pagsusuri sa mga labi ni Cantonos, walang nakitang palatandaan ng anumang pinsala sa katawan nito pero nag-iimbestiga pa rin ang Parañaque Police para matiyak na walang naganap na foul play sa pagkamatay nito.