Preso sa QC COVID positive

Hiniling ng Quezon City Police District (QCPD) na agad ilipat sa health quarantine facility ang isang babaeng nakapiit sa Kamuning Police Station matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay QCPD Director PBGEN Ronnie Montejo, naaresto noong Marso 10 ang detainee na buntis matapos masangkot sa iligal na droga.

Bago manganak noong Abril 18, sumailalim ito sa swab test para sa COVID-19 at April 25 nang lumabas ang resultang positibo sa COVID-19 ang detainee.

Sinabi ni information officer PLt. Joanna Sazon, walang sintomas ang detainee at hindi pa tukoy kung saan niya nakuha ang sakit.

Ayon naman kay Kamuning Police Commander PLt.Col. Lucio Simangan Jr, naka-isolate na ang detainee. Naka-quarantine na rin ang mga nakasalamuha niya.

Binabantayan ng binuong Quick Response Team ang kalagayan ng detainee, habang hinihintay ang tugon ukol sa transfer request. (Dolly B. Cabreza)