Nakapuga sa detention cell ang isang suspek na arestado sa paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Art. II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Drugs Act of 2002) matapos na magboluntaryong tutulong sa pagtatapon ng mga nakolektang basura, kamakalawa ng gabi sa detention cell ng Manila Police District-Police Station (MPD-PS) 9 sa Malate, Maynila.
Tinutugis na ng mga tauhan ng MPD-PS 9 ang suspek na si Rolando Buenafe y Ponferada, 45 at residente ng 1930 Libertad St., Pasay City.
Nabatid na inatasan umano ng jailer na si PO3 Virglio Ninon, Jr. ang ilang detainees na kolektahin ang lahat ng basura sa loob ng presinto at dalhin sa labas kung saan nagboluntaryo si Buenafe na tutulong.
Gayunman nang bilangin ni Ninon ang mga detainees napansin niya na nawawala si Buenafe na pinaniniwalaan niyang tumakas.