Presyo ng de lata bumababa

dti-canned-goods

Maaasahan ang mas mababa pang presyo ng mga de latang pagkain at iba pang pangunahing bilihin, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, maganda na umano ang takbo ng presyo ngayon ng mga pangunahing bilihin dahil nagging competitive na umano ang merkado dulot na rin sa dami at iba’t ibang produktong naglabasan sa merkado.

Sa katunayan, mas mababa pa umano ang pres­yo kumpara sa itinakda nilang suggested retail price (SRP).

Sinabi pa ni Dimagiba na ramdam na ang pag-iiba ng takbo ng kalakalan ngayon dahil sa dami ng mga produkto na maaring pagpipilian ng mga mamimili.

“Ang presyo ngayon ng pangunahing bilihin o basic necessities ay very low kaysa SRP. Iba na ang kalakalan ngayon dahil sa daming produkto for the same item,” ayon kay Dimagiba.

Dahil dito, ayon kay Dimagiba, asahan pa ang mababang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga susunod na araw.

Kasabay nito, sinabi ni Dimagiba na maaari nang i-monitor ng mga mamimili ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kanilang smartphone o tablet gamit ang e-Presyo app na inilunsad ng ahensiya kamakailan.

Kahit saan basta may internet, puwede itong ma-access gamit ang Android phone. Sa computer naman, puwedeng i-click ang e-Presyo sa DTI website.

Maaari nang i-download ang e-presyo app sa Play Store para sa mga Android users habang ina­ayos pa ang app para sa mga iPhone user.

Dito makikita ang mga detalye ukol sa pinaka­mababa, pinakamataas at prevailing prices ng produktong kailangan kung kaya’t puwedeng ikum­para ng consumer ang mga presyo.