Presyo ng sardinas tataas sa excise tax — DTI

Inaasahan ng Department of Trade and Industry (DTI) na tataas pa ang pres­yo ng sardinas na kabilang sa mga pangunahing bilihin ng mga Pinoy dahil na rin sa ikalawang bugso ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Bukod sa magiging epek­to ng TRAIN Law sa presyo ng mga bilihin, inaasahan din ang pagtaas pa ng gastusin ng mga ma­ngingisda dahil sa panibagong pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo.

Dahil dito, inihayag ni DTI Secretary Ramon Lopez na isa sa kanilang naisip na paraan upang makabawas man lamang sa halaga ng ginugugol ng mga mangingisda ay ang pagkakaloob sa kanila ng fuel voucher.

Ayon sa DTI, makikipag-ugnayan sila sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang maplantsa ang planong pagkakaloob ng fuel voucher sa mga mangingisda upang kahit papaano’y makatulong sa kanila na mapaliit nang bahag­ya ang gastusin sa pangingisda.

Sa pagtaya ng DTI, tumaas ang presyo ng halos lahat ng uri ng sardinas bagama’t may pagkakataon pa naman ang mga consumer na pumili ng mas mura o kung anong brand ang kanilang bibilhin dahil hindi naman pare-pareho ang halaga sa ngayon ng mga sardinas sa merkado.