Pribilehiyo ng senior citizens naaabuso

aksyon-kaye-box Kaye Dacer

Ayoko sanang ma­ging OA pero kailangan nating kunin ang atensyon ng mga local go­vernment units na nag-iisyu ng senior citizens dahil maraming establisiyemento ang naabuso.

Sinabi kong naabuso dahil marami ngayong card holders ng senior citizens ID ay hindi pa totoong senior citizens.

Hindi ko sasabihing may ilan dahil marami na tayong kwentong narinig patungkol sa paggamit ng senior citizens ID ng mga kababayan nating hindi naman totoong senior citizens na.

Ang siste, nabigyan o nakahingi lamang sila ng ID sa isang ka­kilalang senior citizen na nagrekomendang bigyan din sila.

Hindi naman ito tama. Pag-abuso na ang ganitong sistema dahil maraming establisi­yimento ang napagsasamantalahan.

Kaya dapat maghigpit ang Office of the Senior Citizens sa lahat ng LGUs sa pag-iisyu ng ID.

Hindi dapat puma­yag ang Office of the senior citizen na mag-isyu ng ID nang walang kaukulang dokumentong magpapatunay na isang senior citizen ang binibigyan ng card.

Kaawa-awa naman kasi ang mga establisi­yementong hinihingan ng diskwento ng isang nagpapanggap na senior citizen.

Ang alam natin bukod sa mga nagpapanggap na senior citizens ay talamak din ang pag-iisyu ng senior citizen ID sa mga balikbayan na senior citizens.

Hindi tayo nagda­damot pero mas marami pang senior citizens na nakabase sa bansa ang nangangailangan nito kumpara sa mga balikbayan na alam naman nating paldo pero bibigyan pa ng card.

Upang ang mga tunay na benepisyaryong mga senior citizens ang makinabang ay panahon pa para maging aktibo ang office of the senior citizen sa pagmo-monitor sa mga bara-barangay ng mga senior citizens.

Galugarin ninyo ang mga barangay sa buong bansa dahil nakatitiyak akong maraming senior citizens dyan ang higit na nangangailangan ng benepisyong iyan. Higit sa lahat ay huwag n’yo naman silang pahirapan sa pamamagitan ng paghingi ng kung anu-anong mga dokumento.