Nakatakdang pirmahan ngayong araw ng Bases Conversion and Development Authority­ (BCDA) ang kontrata­ ng consortium na pinangungunahan ng Prime Water Infrastructure para sa tubig ng New Clark City.

Sa alok na P9.45 per cubic meter, mas mababa ang sinumiteng pangakong taripa sa tubig ng Prime Water kumpara sa P11 per cubic meter na alok ng Manila Water Company ng mga Ayala.

“The BCDA is set to sign the joint venture agreement on December 17, Monday, with the four-member consortium,” ayon sa statement ng BCDA.

Kasama ng Prime Water sa consortium ang Prime Assets Venture Inc., MGS Cons­truction Inc. at ang TAHAL Group ng Israel.

Ito ang ikalawang kontrata na ipinanalo­ ng mga Villar sa BCDA. Ang mga Villar ang u­nang nagwagi sa privatization ng Camp John Hay subalit hindi nito natupad ang kasunduan kaya nawala sa kanila ang proyekto at nakansela ang kanilang bid deposit nung katatama pa lang ng Asian Financial Crisis noong 1997-1998.

May joint venture din ang Prime Water sa San Jose del Monte Water District na hitik na hitik sa kontrobersya.

Brinaso ng local go­vernment na makipag-joint venture ang water district ng San Jose del Monte na pinetisyon ng libo-libong residente.

Sumabog pa ang tangke ng tubig dito na ikinamatay ng tatlong katao noong Oktubre 2017 at sa loob ng mahigit kumulang isang linggo, nagising na lamang ang mga residente ng San Jose del Monte na Prime Water na ang nagpapatakbo ng kanilang water district at tinaas na ang sinisingil sa kanila sa tubig.

Ang Prime Water ay minamay-ari ni da­ting Senate President Manny Villar, asawa ni Senador Cynthia Villar at ama ni Public Works Secretary Mark Villar.