Si Stanley Pringle na ang bagong scoring champion ng PBA, pero ang NorthPort playmaker din ang tops sa pinakamara­ming turnovers sa bawat laro ngayong 2017-18 season.

Bawat gabi, nakakapagsumite si Pringle ng 3.2 turnovers sa 33 games played ng tatlong conference. Pinakamataas na turnovers per game ito sa liga.

Nangunguna rin ang 31-anyos na Fil-Am sa most minutes played sa average na 38.9 per game.

League-leading din ang 3-point field goals made ni Pringle na 3.0 per outing.

Si Alaska guard Chris Banchero ang nangunguna sa assists sa pinamimigay na 5.0 average feeds per game. Sa nakawan, pinakamaangas sa liga ang teammate ni Pringle na si Sean Anthony na may average 2.0 steals per game.
Si dating Blackwater big man Poy Erram ang bagong Sultan of Swat sa nililistang 1.9 blocks per game.

Muling pinagdiinan ni San Miguel slotman June Mar Fajardo ang dominasyon sa paint sa ibi­nababang 12.3 rebounds per game.

Pinakamaangas sa 3-point range si Meralco guard Baser Amer, naipasok ang 40 percent sa kanyang tira – 82 for 204 sa 41 games. Si Alaska veteran playmaker JVee Casio ang pinakakalmado ang pulso sa free throw line (92.4 percent) – lima lang ang isinablay sa 66 attempts sa stripe.

Sa rookies, best scorer si Kiefer Ravena sa ave­rage na 16.1 points per game kahit naka-24 na laro lang. pumapangala­wa si San Miguel big Christian Standhardinger (16.07 ppg), sunod sina Jason Perkins (12.1 ppg) ng Phoenix, Paul Zamar (10.2) ng Blackwater, at Jeron Teng (7.1) ng Alaska. (Vladi Eduarte)