Tila walang kasawa-sawa sa pagtulong si Philippine Basketball Association (PBA) star Stanley Wayne Pringle Jr. sa mga bayaning frontliner na katuwang sa pagsugpo sa pandemic COVID-19.

Pagkatapos mamahagi ng ayuda, target uli niyang makalikom ng isa pang trak na puno ng relief pack para maialay sa mga apektado ng coronavirus disease 2019.

“Hopefully we fill up the next truck #reliefgoods,” wika ng 33-year-old, 6-foot-1 Barangay Ginebra San Miguel combo guard kahapon.

Sa Instagram account ng cager, makikitang nag-donate siya ng ilang relief good na may kasama pang mga facemask at t-shirt.

Kasabay nito nagpaabot ang basketbolista ng taus-pusong pasasalamat sa mga taong nakibahagi sa kanyang aksiyon.

“Thanks for all the inspiration out there to keep us motivated to help out. A little something to help somebody somewhere,” saad ni Pringle, na nakamit ang unang kampeonato sa Gin Kings noong Enero matapos talunin ang Meralco Bolts sa PBA Governor’s Cup Finals.

Suspendido pa rin ang mga laro ngayon ng pro league dulot ng pandemic outbreak. (Aivan Denzel Episcope)