Pringle parang ‘di inoperahan

Pringle parang ‘di inoperahan

Parang ‘di galing sa ankle surgery si Stanley Pringle, sa unang salang sa PBA Commissioner’s Cup elims ay pasabog agad ng 22 points para giyahan ang NorthPort sa 110-86 demolisyon kontra TNT KaTropa nitong Miyerkoles sa Mall of Asia Arena.

Bago nagsimula ang midseason tournament ay sumailalim sa operasyon ang premier guard para tanggalan ng bone spur.

Sa kanyang debut game, tumikada agad si P­ringle ng 8 of 13 field goal shooting at 5 for 8 mula sa labas ng arc.

‘Di rin nawala ang mahalagang kontribusyon nina Robert Bolick (21 markers), Prince Ibeh (18 pts., 20 rebounds), Sean Anthony (13 pts., 5 rebs., 5 assists) at Mo Tautuaa (11 pts., 8 boards, 6 feeds) at dumiretso sa 3-0 ang Batang Pier, inakbayan sa tuktok ang Blackwater.

“We almost played a perfect game, especially on defense,” ani Batang Pier coach Pido Jarencio ukol sa depensang naglimita kay TNT import Terrence Jones sa 17 points lang mula sa 42-point ave.(Vladi Eduarte)