Pringle pinasan ang unang panalo kay Jarencio

Nakaisa na ang GlobalPort kahit pa walang Terrence Romeo.

Kinuha ng GlobalPort ang unang panalo kontra sa Rain or Shine 78-70 kagabi sa 43rd PBA 2017-18 Philippine Cup eliminations sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Muling umarangkada ang Filipino-American na si Stanley Pringle para sa Batang Pier sa kinamadang 29 points, at nine rebounds para makuha ang 1-2 rekord ng kanilang koponan sa liga.

At inagapayan siya ni Kelly Nabong ng 12 points, 13 rebounds, at si Bradwyn Guinto may 10 points, at nine rebounds para pagtibayan ang kanilang balanseng paglalaro dahil sa kawalan ng kanilang franchise player na si Romeo.

“Players talaga wanted it today. It’s a team effort,” suma ni GlobalPort coach Pido Jarencio. “Siguro lesson learned nu’ng last two games namin… We finished strong/ We hit our target: ‘yung eighty points or below. We played good defense.”

Kulang din sa mandirigma ang Rain or Shine dahil hindi pa rin nakapaglaro sina Jericho Cruz at Chris Tiu.

Kahit pa kuma­yod ang beteranong si Gabe Norwood ng 15 points, eight rebounds, at si Mark Borboran ng 13 points, six rebounds, hindi pa rin naging sapat para makuha ng Elasto Painters pangalawang panalo.

Ngayon pare-parehas na sila ng Meralco, Alaska, GlobalPort, at RoS sa mga barahang 1-2 win-loss.

Pero para sa Blackwater talaga ang gabi nang sorpresang mala­sing ang Ginebra, 94-77 sa likod ng tig-22 puntos nina John Paul Erram at Rey Mark Belo.

May 11 boards pa si Erram para magkaparehas na ang Elite at Gin Kings sa rekord na 2-1, tama sa segunda kahanay pa ang Magnolia, NLEX at Phoenix Petroleum.

May labanan sa araw na ito sa Iloilo City bago magbabalik bukas ang hotilidad sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.