Pringle tinik kay Fajardo sa 5th MVP award panira!

Vladi Eduarte

Para makuha ni June Mar Fajardo ang kanyang record na fifth straight MVP award, kailangan muna niyang laktawan si Stanley Pringle.

Pumapangalawa lang ang San Miguel Beer big man sa MVP race ng 2017-18 season, nakapako ang NorthPort guard sa unahan.

Nangunguna sa stats race si Pringle sa tinipong average na 35.5 statistical points. Nasa likod ng 2015 Rookie of the Year si Fajardo sa
33.1 SPs.
Hawak ng reigning four-time MVP na si Fajardo ang trangko ng karera pagkatapos ng Philippine at Commissioner’s Cups, pero natengga pagkatapos matalo ang SMB sa Ginebra sa Commissioner’s Cup Finals dahil sa knee injury.

Sa kabuuan ng season-ending Governors Cup, nakatatlong laro lang si Fajardo at nakaipon ng 10.67 SPs.

Pero malakas pa rin ang laban ni Fajardo dahil siya ang Best Player of the Conference ng Phili­ppine at Commissioner’s Cups.

Naging bahagi ng Team Pilipinas si Pringle at nakawalong laro sa season-ending tournament pero nagtipon ng 34 SPs.

Pumapangatlo sa karera si Japeth Aguilar ng Ginebra (32.3), kasunod sina Sean Anthony ng Batang Pier (31.3) at Matthew Wright ng Phoenix (30.0).

Nangunguna naman si Phoenix forward Jason Perkins sa Rookie of the Year award sa naipong 32.2 SPS.

Nasa likod niya ang kapwa La Sallista na si Jeron Teng ng Alaska(28.7).

Out sa karera sina top pick Christian Standhardinger ng SMB at No. 2 selection Kiefer Ravena ng NLEX dahil kulang sila ng required number of games na inilaro sa buong season para maging contender.