Ni Aster Amoyo
Abby Viduya ang unang screen name ni Priscilla Almeda. Ito’y nang kanyang gawin ang kanyang first movie na “Guwapings: The First Adventure”. Matatandaang launching movie ito noon ng mga alaga ng yumaong talent manager na si Douglas Quijano na sina Mark Anthony Fernandez, Eric Fructuoso at Jomari Yllana.
Naging bahagi rin si Abby ng panghapong youth oriented program na “That’s Entertainment” ni German ‘Kuya Germs’ Moreno.
Mula “That’s” ay kinontrata si Abby ng Seiko Films ni Robbie Tan. Kilala na noon sa pagpu-produce ng mga ST (sex trip) films. Pinalitan ang kanyang screen name ng Priscilla Almeda.
Ang Abby Viduya ay nagmula sa kanyang adoptive parents na siyang nag-aruga at nagpalaki sa kanya. Pero ang kanyang biological parents na sina Leah Bromley at Rudolf Rivera ay nakilala niya nu’ng sikat na sikat na siya sa kanyang screen name na Priscilla Almeda. Dahil dito, dalawa ang kanyang kinikilalang parents ngayon.
Ang adoptive parents ni Priscilla ay naka-base sa Alberta, Canada habang nasa Vancouver naman ang kanyang biological mom na si Leah. Nasa Pilipinas naman ang kanyang biological dad na si Rudolf with his own family.
Thankful si Priscilla sa kanyang adoptive family dahil ibinigay sa kanya ang tunay na pagmamahal at pag-aaruga tulad ng isang tunay na anak. Pero hinayaan din siyang makilala ang kanyang tunay na mga magulang kahit hindi siya sa kanila lumaki lalo pa’t matagal nang hiwalay ang kanyang biological parents.
Sa Chiba, Japan namin huling nakita in person si Priscilla. Ito’y sa club na pag-aari noon ng singer-businessman na si Bobby Valle at ng kanyang businesswoman Japanese wife na si Chieko Kimura. Magmula noon ay wala na kaming balita pa sa kanya.
Namalagi ng ilang taon sa Japan si Priscilla at pagkatapos nito ay lumipad na siya patungong Alberta, Canada kung saan naka-base ang kanyang adoptive family. Bitbit niya ang kanyang isang girl na anak sa isang non-showbiz guy.
In Alberta, Canada ay nagkaroon siya ng ibang Filipino partner. Nagkaroon sila ng dalawang anak na may edad na 8 at 4. Isang boy at isang babae.
Tahimik ang buhay ni Priscilla sa Canada at meron din siyang regular job bilang office administrator ng isang high-end retirement company. Pero hindi nito ikinakaila na matagal na niyang miss ang showbiz.
Tumagal si Priscilla at nag-balloon ito to 185 lbs. Nangako siyang hindi babalik ng Pilipinas hangga’t hindi siya pumapayat.
Kinarir ng aktres ang pagpapapayat hanggang ma-achieve niya ang kanyang ideal weight na 105 or 110 lbs.
Since nag-aaral sa Canada ang kanyang tatlong anak, iniwan niya ang mga ito sa kanyang adoptive family while she is co-parenting her two kids sa ama ng mga bata.
Mag-isa siyang dumating ng Pilipinas para muling subukan ang kanyang showbiz career sa tulong ng kanyang dating manager na si Nestor Cuartero.
May balita kami na nag-taping na siya sa long-running action-drama program na “FPJ’s Ang Probinsyano”. May nakatakda rin siyang pelikulang sisimulan.
Hindi ikinakaila ni Priscilla na naninibago umano siya sa takbo ng showbiz ngayon kumpara nu’ng kapanahunan niya. Maging ang Metro Manila ay ibang-iba na sa kanya lalo na ang matinding traffic. Natutuwa rin siya na marami pa rin sa kanyang mga kapanabayan noon ay aktibo pa rin hanggang ngayon sa showbiz.
Si Abby o Priscilla Almeda ay kilala sa mga titillating films (coined by the late Oskee Salazar) tulad ng “Sabik sa Halik” (1995), “Sutla” (1999), “Huwag Kang Kikibo,” “Halimuyak ng Babae,” “Syota ng Bayan,” at iba pa. Ginawa rin niya ang “Adan Ronquillo” with Bong Revilla sa bakuran ng Star Cinema maging ang “Batang West Side” with Yul Servo na dinirek ni Lav Diaz in 2001 at iba pa. Huli naman siyang napanood sa TV series na “Sa Puso Ko Iingatan Ka” na pinagtambalan noong 2001 to 2003 nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual.
Willing sa mother role
Sa pagbabalik-showbiz ni Priscilla, willing na umano siyang gumanap ng mother roles dahil sa totoong buhay ay isa na siyang ina sa kanyang tatlong mga supling.
When things get better sa kanyang pagbabalik-showbiz ay magbabakasyon dito ang kanyang mga anak.
Kung hindi man ay siya ang lilipad pa-Canada para dalawin ang mga ito.
Proud kay Isko
Determinado si Priscilla sa kanyang pagbabalik-showbiz at hindi nito ikinakaila na marami sa mga artista ngayon ay hindi na umano niya kilala.
Natutuwa rin si Priscilla na marami sa kanyang mga kasamahan dati sa “That’s Entertainment” ay mga successful na rin sa kanilang respective careers and professions. Kasama na rito ang bagong mayor ng Maynila na si Isko Moreno who is doing very well sa kanyang posisyon.
“Nakaka-proud si Isko,” pahayag ni Abby na willing pa ring gamitin ang kanyang screen name na Priscilla Almeda.