Matindi umano ang lobby ng mga private school upang hindi pirmahan ni Pangulong Rodrido Duterte ang panukalang free tuition sa state universities and colleges (SUCs), pero hindi ito umubra sa pangulo, ayon kay Senate Majority leader Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Hindi lamang ang payo at rekomomendasyon ng mga economic manager ng pangulo ang sinuway nito sa paglagda sa panukala, ayon sa senador, kundi maging ang matinding lobby ng mga private school.
Mismong mga economic managers na rin umano ng pangulo ang nagsabi ukol sa matinding pag-lobby ng mga private schools para huwag pirmahan ang panukala.
“Nag-lobby ‘yung mga private school, naglo-lobby sila, sabi ng DOF at saka DBM na naglo-lobby daw ‘yung mga eskuwelahan huwag daw,” ayon kay Sotto.
Dagdag nito, sa pagsuway ng pangulo sa kanyang economic managers at hindi pagpapadala sa mga lobby ay pinakita lamang nitong hindi siya kayang diktihan ng sinuman bagkus ginawa niya kung ano ang sa tingin niya ay gusto ng tao at kailangan para sa ikakabuti ng bansa na isa sa maituturing na pinakamagandang ehemplo.
Magugunitang, tutol at inirekomenda pa sa pangulo ng kanyang mga economic manager na i-veto ang panukala sa dahilan hindi umano ito kakayaning pasanin ng pamahalaan.
Sa panig naman ng mga pribadong eskuwelahan ay nangamba itong magkaroon ng ‘mass exodus’ ng mga estudyante dahil sa naturang batas.
Korek. Dapat lang..