Probation period kaya sa mga mambabatas?

Nawindang ang mga tsokaran nating manggagawa lalo na ang mga ‘endo’ nang malaman nila na mayroon palang panukalang batas na inihain sa Kamara de Representantes na ga­wing dalawang taon ang probation period ng mga manggagawa mula sa kasalukuyang anim na buwan.

Pero bago uminit ang ulo, sumali muna tayo sa mala-teleseryeng away ng magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine Barretto. Nitong mga nakaraang linggo, panis ang mga malalaking balita [gaya ng lindol sa Mindanao, tensiyon sa Bilibid dahil sa pag-aalburuto ng ilang preso, pag-angat pa ng boto ni Vice President Leni Rob­redo sa initial recount sa tatlong lalawigan na ipinoprotesta ni da­ting Senador Bongbong Marcos, at iba pa] nang mapabalitang nagkaroon ng salpukan ang magkakapatid na Barretto sa mismong burol ng kanilang ama.

Mas tumindi ang istorya dahil ang isang insidente ng gulo ay nandoon pa mismo sa lamay si President Mayor Digong Duterte. Aba’y sadya nga yatang matindi ang iringan ng magkakapatid at kani-kanilang mga kaanak dahil talagang nagkakagulo sila kahit pa nagdadalamhati at may espesyal na bisita.

Balik na tayo sa isyu ng mga tsokaran na­ting dalawang kahig isang tuka. Nais nga ni Probinsyano Ako Party-list Rep. Jose Singson Jr., na gawing 24 na buwan o dalawang taon ang probation ng mga manggagawa sa halip na anim na buwan lang. Ang katwiran niya, masyado raw maigsi ang anim na buwan para matukoy ng employer kung pakikinabangan niya sa kompanya ang manggagawa.

Ang nangyayari nga naman, kung pagsapit ng ika-limang buwan ng manggagawa eh hindi pa niya gamay ang kaniyang trabaho at hindi tiyak si employer na pakikinaba­ngan niya ang tao, ma­lamang na matsugi na ito o mag-endo. Kapag inabot kasi ang manggagawa ng anim na buwan sa trabaho, dapat na siyang i-re­gular alinsunod sa batas.

Pero siyempre, tutol sa panukala ni Singson ang mga militanteng grupo at mga mambabatas. Kahit nga si Labor Secretary Silvestre Bello III, eh ayaw na gawing dalawang taon ang ‘probi’ period dahil kontra ito sa hangarin ng gobyerno na ma­bigyan ng security of tenure, o mabigyan ng garantisadong trabaho ang manggagawa.

Kapag kasi nanati­ling ‘probi’ ang empleyado, aba’y wala siyang mga benepisyo tulad ng 13th month pay, leave credits at iba pa.

Ngunit sa kabilang banda sabi ng isa na­ting kurimaw na walang trabaho, maganda ang panukala ni Singson pero dapat lang bigyan ng kaunting palaman. Punto nIya, dahil hindi naman kayang alisin ang ‘endo’ at marami pa rin ang mga nagi­ging ‘probi’ sa loob ng limang buwan tulad ngayong magpapasko, aba’y magandang ma­ging dalawang taon ang probi period dahil magkakaroon ng trabaho ang empleyado sa loob ng isang taon at 11 buwan, sa halip na limang buwan lang.

Iyon nga lang, kapag inamyendahan ang labor code at ginawang dalawang taon ang probi period, dapat sigurong magpasok ng dagdag na benepisyo sa mga manggagawa. Gaya halimbawa ng 13 month pay at leave credits kapag nakaisang taon nang probi ang kawani. At kapag hindi siya naregular pagkaraan ng dalawang taon ng pagiging ‘probi’, bigyan siya ng termination pay na katumbas ng isang buwang sahod.

Pagkatapos, magpasa rin ng batas na lagyan ng ‘probi’ period ang mga kongresista kung saan dapat suriin muli ng mga tao kung karapat-dapat silang maging mambabatas pagkaraan ng anim na buwan o isang taon pagkatapos nilang mahalal.

Ang magiging batayan kung dapat silang manatiling mambabatas eh ang kalidad at klase ng mga panukalang batas na inihahain nila kung may kawawaan ba, o kung nakikisali ba sila sa deliberasyon at hindi lang nagbibilang ng butiki o bumubutas ng bangko sa Kongreso. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.