Matapos ang mga naranasang lindol, nanalasa naman ang malakas na hangin at hailstorm o pag-ulan ng mga butil ng yelo sa mga evacuation center sa Makilala, Cotabato noong Lunes nang hapon.
Base sa ulat ni Cotabato Gov. Shirley Macasarte, tinamaan ng malakas na hangin at inulan pa ng yelo ang mga evacuation center na itinayo sa Brgy. Poblacion Elementary School, Saguing Elementary School, Mindanao Institute of Science and Technology at Santos Lands.
Nilipad ng malakas na hangin ang mga tolda ng mga evacuee dahilan upang mabasa ang mga ito dagdag pa ang pagbagsak ng yelo na karamihan ay kasing-laki ng holen.
Tumagal ng halos 30 minuto ang pag-ulan ng yelo at malakas na hangin bago ito tumila.
Ilang mga puno rin ang natumba sa kahabaan ng national highway sakop ng mga barangay ng Saguing at Malasila.
Inilipat naman ang mga apektadong evacuee sa ibang lugar kung saan mas ligtas sila sa ulan at hangin.
Ayon naman sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, normal lang ang pag-ulan ng yelo lalo na kung may dalang kulog at kidlat ang malakas na ulan. (Edwin Balasa)