Probinsyano nirapido sa loob ng mall

Kahit sala-salabat ang tao, itinumba pa rin ang isang probinsiyano sa loob mismo ng mall sa Caloocan City, Martes nang gabi.

Sa ulat kay PLt. Col. Ferdie Del Rosario, Assistant Chief of Police for Administration (ACOPA), hindi na nadala pa sa pinakalamapit na pagamutan si Ronnie Litaban, 35, nanunuluyan sa Brgy. 175, Camarin, Caloocan.

Nagtamo ito ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan. Nakatakas naman ang suspek na si James Fajardo kahit pa maraming tao at may mga security guard sa loob ng mall.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-siyete nang gabi, abala sa pagtitinda si Libatan ng mga cellphone accessories sa loob ng Zabarte mall nang lapitan ng suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima.

Sa takot ay nagkanya-kanyang takbuhan ang mga nasa loob ng mall.

Litaban at Tinangka namang dalhin sa ospital ang duguang biktima ng pinsang si Lawrence Rocco pero binawian na ito ng buhay.

Ayon kay Lawrence, kagagaling lang sa Samar ng pinsan at hindi ito palalabas ng bahay kaya imposible daw na magkaroon ng kaaway.

May hinanakit naman ang mga kaanak ng biktima sa pamunuan ng mall dahil nalusutan sila ng taong may bitbit na baril sa mall.

Dadalhin sa probinsya ang labi ni Libatan para doon ilibing.

Hinihinalang napagkamalan ang biktima. Nire-review naman ng mga awtoridad ang kuha sa CCTV para matukoy ang salarin. (Orlan Linde)