Atty. Claire,
Good day po. Gusto ko po sana malaman kung may bisa po ba na gumawa ng kasulatan sa barangay ang kinakasama ko na katunayan po na hiwalay na po sila ng ex-wife po niya at sustento na lang po ang habol?
Kasi po 4 years na po silang hiwalay at ako na po ang bago niyang kinakasama. May isa na po kaming anak at may apat na anak po siya sa una.
Kasal po sila, pero ‘yung ex po niya nakatira po sa poder ng magulang ng kinakasama ko dahil po sa mga bata. Wala pa po kasi kaming budget para sa legal separation at annulment.
Ano po kaya ang dapat naming gawin habang wala pa po kaming budget? Ang inaalala ko po kasi na baka bigla pong manggulo ‘yung ex niya po sa amin. Hindi po alam ng ex niya na may bago na siyang kinakasama at may anak sa iba.
Sana matulungan niyo po ako kung ano ang dapat naming gawin habang wala pa po kaming budget.
Salamat po.
Mitch
Mitch,
Ang pirmahan sa barangay ay hindi nagbibigay ng karapatan sa isang tao upang gumawa o partly na gumawa ng krimen. Ang pakikiapid sa iba ay isang krimen ayon sa ating Revised Penal Code.
Kahit magpirmahan sila ng kanyang asawa na sila ay hiwalay na at tanging sustento lamang ang habol ng babae sa kanya ay hindi nangangahulugan na malaya na siyang makipagrelasyon sa iba habang ang kanilang kasal ay may bisa pa.
Sa ngayon ay walang magiging depensa sa kasong CONCUBINAGE at Violation Against Women and Children (VAWC) na maaaring isampa ng asawa niya laban sa inyong dalawa lalo pa at alam mo na may asawa na ang iyong kinasakasama.
Kahit pa duma-ting ang panahon na magka-budget na kayo upang magsampa ng Petition for Nullity of Marriage ay hindi mo masasabi na ang kasal ng kinakasama mo ay mapapawalang bisa dahil kailangan din ng sapat na dahilan o ground upang sumang-ayon ang korte na mapawalang bisa ang isang kasal.
Wala kayong ibang magagawa kundi ayusin ang sitwasyon ninyo. Mamimili kayo kung maghihiwalay kayo o madedemanda kayo ng tunay na asawa o kaya naman ay magsampa kaagad ng Petition for Nullity of Marriage kung may sapat na ground.
Kung may katanungan pa ay tumawag na lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmai.com.