Dear Sir:
Masyado ng toxic sa lipunan ang shabu at iba pang ilegal na droga at malawak na ang nasakop nito at ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte posibleng hindi na nito kayaning maresolba hanggang sa matapos ang kanyang termino sa 2022. Patuloy pa rin ang operasyon at kampanya laban sa ilegal na droga na ngayon ay may kaanib pang tulong mula sa AFP upang mabilis itong masugpo. Sikat ngayon ang pamilyang Parojinog sa Ozamiz, kung dati ay dahil sa sila ang siga ng Ozamiz ngayon ay dahil naman sa nasampolan sila ng PNP sa oplan tokhang.
Naging bukas at prangka ang pangulo na ipahatid sa mga tao ang may kalabuan at walang kasiguraduhan na pagresolba sa ilegal na droga. Batid naman ng sambayanan na ginagawa niya ang lahat, ngunit sadyang mahirap balansihin at kontrolin ang mga suliranin ng bansa lalo na at sinabayan pa ng mga rebeldeng grupo gaya ng NPA, Abu Sayyaf at Maute na mga sangkot at may koneksyon din sa ilegal na droga dagdagan pa ng mga Narcopolitician tulad nila Parojinog.
Andrew R. Aranas
Tanay Rizal
***
Dear Sir:
Nais ko lang ipahayag ang simpatya ko para sa mga sundalo at ang batikos ko para sa mga tumutuligsa sa mga ‘unsung heroes’ ng ating bayan.
Sa dami ng intrigang ibinabato ng mga makakaliwa at ng mga kontra sa gobyerno tulad nila Juana Change (Mae Paner), utang na loob lang magkaroon kayo ng simpatya para sa mga kasundaluhan nating panganib ang kinakaharap sa bawat segundong nasa peligrosong lugar sila. Hindi lang kasi sila dinadapuaan ng ligaw na bala ng mga terorista, dahil sa patuloy na sagupaan, samu’t saring sakit na rin ang dinaranas nila. Tao rin sila, marunong mapagod ngunit ‘di bumibitaw, nakakaramdam ng sakit at ng karamdaman. Kaya sa mga anti-government group d’yan na maraming sinasabi, kayo ang tumayo sa kalagayan ng mga sundalo para malaman n’yo ang dinaranas nila ‘di lang para sa pamilya nila kundi para sa inyo ring pamilya at sa ating mga kababayan.
Jersan Arguilles
Mindoro