Kasing lala ng problema sa trapiko sa Metro Manila ang nararanasan ng mga subscribers sa mga telecommunication companies (Telcos) kaya dapat din itong aksyunan ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ang panawagan ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus sa kanyang privilege speech kahapon matapos personal na maranasan ang mga problema sa telcos tulad ng mga hidden billings at palpak na serbisyo.
“Ang sakit sa ating telecoms ay halos kahanay na sa traffic bilang mga elemento ng krisis, na apektado hindi lamang ang maraming mamamayan kundi maging ang ekonomiya ng bansa,” ani De Jesus.
Wala umano itong ipinagkaiba ang kahinaan ng connectivity at mahal na presyo ng serbisyo ng mga telcos sa buhul-buhol na pila ng sasakyan sa lubak-lubak sa mga kalsada sa Metro Manila.
“Taliwas sa mga magagarang advertisements sa TV at print na nagyayabang ng lightning speed connections at bridging families and communities, ang araw-araw na katotohanan nating mga consumer ay madalas na dropped calls, at nakakahilong paghihintay kapag nais mong magreklamo,” ayon pa kay De Jesus.
Subalit ang higit sa nakakadismaya umano sa lahat ay ang mga hidden charges ng mga telcos. Inihalimbawa nito ang kanyang post paid plan na 13 taon na niyang ginagamit subalit lumutang nang magpa-upgrade dahil kailangan niya sa kanyang trabaho.
“Halos himatayin ako sa gulat dahil ang sinabing utang ay Php13,000 na incurred in 2016. Isang dekadang utang na hindi man lang nag-reflect sa loob ng 10 taon na dahil efficient naman ang aming pagbabayad, malinaw din sa akin ni isang sentimo ay imposibleng may utang sa kumpanyang ito,” ani De Jesus subalit hindi na nito sinabi kung Globe o Smart.
Aniya, dapat itong imbestigahan ng Kongreso at aksyunan din ng Malacañang dahil tiyak na hindi lamang siya ang biktima kundi halos lahat ng subscribers.