Problemang pangkalikasan agad solusyunan

Dear Abante Tonite:

Isang taon na naman ang nakalipas, pero hindi pa man umaarangkada ang taon, napakarami na agad suliranin ang kinahaharap hindi lang ng ating bansa, ngunit ng mundo, at pinakarami rito ay hinggil sa kalikasan.

Noong 2019 pa lang, malalaking wildfire na ang naranasan sa California, Amazon at hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa sa Australia. Sa India suliranin pa rin ang polusyon sa hangin matapos ilang beses nang makaranas ng smog.

‘Wag na tayong lumayo pa, dito lang sa Pilipinas, ilang beses na bang nagbabala ang ilang eco group at maging environment department hinggil sa lumalalang problema sa basura. Isama na rin ang pagkakalbo ng mga kagubatan dahil sa mga proyektong ginagawa sa mga lalawigan, tulad ng mga pabahay na kabuhol naman ng lumulobong populasyon.

Hays, napakaraming suliranin, pero wala pang nakikitang epektibong solusyon.

Buhol-buhol ang mga problemang ito, kaya tingin ko hindi lang dapat iisa ang umaksyon, kasi dapat lahat sabay-sabay na kumilos.
Erlinda Rose