Malaking porsiyento ang itinaas ng bilang ng pamilyang Pinoy na nakakaranas ngayon ng gutom kung ang pagbabasehan ay ang pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).
Alinsunod sa SWS survey tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nakaranas ng gutom ngayong Hunyo 2016 kumpara noong buwan ng Abril ng kasalukuyan ding taon base sa SWS survey.
Lumalabas sa survey na may 1,200 respondents sa buong kapuluan noong Hunyo 24-27 ay umabot sa 15.2 percent o katumbas ng 3.4 milyong pamilya ang nagsabing sila ay nakaranas ng gutom.
Malayo sa dating 13.7 porsiyento o katumbas ng 3.1 milyong pamilya na nagsasabing nakaranas sila ng gutom noong Abril.
Sa mga pamilyang nakaranas ng gutom ay tinatayang tatlong milyong pamilya dito ang nagsabing minsan o ilang beses silang nakaranas ng gutom habang 446,000 namang pamilya ang nagsabing madalas silang makaranas na walang laman ang tiyan.
Nakakaalarma ang muli na namang paglobo ng kagutuman o ng kahirapan sa pangkabuuan sa ating bansa kaya dapat nang kumilos ang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at maghanap ng solusyon kung papaano maaayudahan ang mga naghihirap na pamilyang Pilipino.
Ang paglobo ng bilang ng mga nagugutom na pamilyang Pinoy ay hindi malayong ikabit natin sa pagkawala ng 4Ps program o ang Conditional Cash Transfer (CCT) ng pamahalaan.
Hindi naman kaila sa lahat na malaki ang pakinabang ng mga mahihirap nating kababayan na benepisyaryo ng 4Ps kaya nairaraos nila ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa kabila ng kawalan ng hanapbuhay.
Kaya sana kung hindi man ura-uradang mabubuhay ng administrasyong Duterte ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ay makahanap ito ng alternatibong programa na magbibigay ng tulong sa mahihirap nating kababayan na dating umaasa sa 4Ps.