Project hiningan ng kickback, Batangas mayor swak sa graft

Sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si Sto. Tomas, Batangas Mayor Edna Sanchez dahil sa umano’y paghingi nito ng kickback sa isang kontrata na may kaugnayan sa pag-upgrade ng waterwork billing at collection system ng munisipalidad.

Sa 11 pahinang reklamo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na hinain ng general manager ng WeDo BPO Inc., isang information technology company na nagwagi sa nasabing kontrata noong 2010, nabatid na nag-demand si Sanchez ng P414,000 sa kanilang kompanya na bahagi umano ng SOP payment.

Nilalaman din nito ang umano’y pag-utos ni Sanchez sa WeDo na ibigay sa kanya ang lahat ng tseke na tinanggap nito bilang bayad sa proyekto dahil ang alkalde umano ang nagsaayos nito para maaprubahan.

Noong Setyembre 1, 2010 pinapunta umano ni Sanchez sa WeDo ang kanyang police bodyguard na si PO2 William Ardaniel para kunin ang BPI check na P1,211,592.82 at P1 milyon cash.

Sa reklamo pa ng WeDo, nang sabihin umano nila kay Sanchez na tumanggap lamang sila ng P4.94 milyon sa kontrata nila sa municipal government noong Agosto, 2010, kinuwestiyon umano ito ng alkalde at sinabing ang budget sa proyekto ay P5.9 milyon.

Nang ipaliwanag ng kompanya na magbayad sila ng buwis at may 10% retention amount, iginiit sa kanila ng da­ting alkalde na ibalik sa kanya ang lahat ng pera. (Juliet de Loza-Cudia)