Pirmado na ang proklamasyon ng state of lawless violence bago lumipad si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Laos.

Kinumpirma ni Exe­cutive Secretary Salvador Medialdea na nilagdaan ng Pangulo ang isang pahina ng proklamasyon na nagdedeklara ng “state of national emergency on account of lawless violence”.

“It’s more on fight against terrorism,” paliwanag ni Medialdea patungkol sa pinakabuod ng kontro­bersyal na proklamasyon.

Sinabi nito na tig-isang pahina lang ang ginawang draft (draft ni Medialdea at draft ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo) ng proclamation sa state of lawless violence.

“‘Yung mga nangyayari, ‘yung escape ng mga preso (Maute Group sa Marawi City Jail) mga grupo, grupo, ‘yung beheading (ng Abu Say­yaf) and eventually itong last ‘yung nangyari sa Davao… wala, wala… walang curfew… wala namang time limitations under the Constution ‘yan hindi naman Martial Law ito,” ani Medialdea.

Sa ilalim ng natu­rang proklamasyon, inaatasan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng mga kaukulang aksyon para pigilan ang lahat ng uri ng lawless violence sa Mindanao at upang pigilin ang pagkalat ng lawless violence sa ibang panig ng bansa nang may pagsasaalang-alang sa civil at political rights at sa isinasaad ng Konstitusyon.

Kung makikita na ani­ya ni Pangulong Duterte na safe na ay gagawa uli ng proklamasyon para ito ay bawiin.

“…Lifting it… Hindi naman ito Martial Law na may 60 days limitation… No… wala… hindi (ito ground work para sa Martial Law).”

Nauna nang sinabi ni Christian Ablan, assistant secretary for policy and legislative affairs ng Pre­sidential Communications Office (PCO), na lalagdaan ni Pangulong Digong ang proklamasyon bago ito lumabas ng bansa.

Lumipad papuntang Vientiane, Laos si Pangulong Duterte kahapon ng hapon para dumalo sa 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders Summit.

Nauna rito, nagdeklara ng state of lawless violence si Pangulong Duterte matapos ang nangyaring pagsabog sa Davao City night market noong Biyernes, Setyembre 2 ng gabi, kung saan 14 katao ang namatay at dose-dosenang bilang pa ng mga kababa­yan ang nasugatan.

Samantala, inanunsy­o rin ni Ablan na si Mae­dialdea ang tatayong caretaker habang nasa abroad ang Pangulo.

“The assigned caretaker of the Palace is E­xecutive Secretary Medialdea, and I’m sure (Philippine National Police) General (Ronald ‘Bato’) dela Rosa and ES (Executive Secretary) are in talks regar­ding these instances… so they would be coordinating with each other,” dagdag pa ni Ablan.

2 Responses