Swak sa bilangguan ang isang promodizer makaraang arestuhin ng mga awtoridad nang makuhanan ng pinatuyong dahon ng marijuana habang iniinspeksiyon ang kanyang dalang mga kagamitan ng guwardiya sa Light Rail Transit (LRT) Gateway sa Cubao, Quezon City nitong Linggo nang hapon.

Kinilala ni Cubao Police Station 7 commander Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao ang inarestong promodizer na si Harold San Juan Gonzales, 28-anyos at residente Brgy. San Martin De Porres, Quezon City.

Base sa report, dakong alas-kuwatro nang hapon habang papasok sa LRT Gateway si Gonzales ay ininspeksiyon ng sikyo na si Roberto Hagoot ang dalang gamit ng suspek.

Doon nadiskubre ng guwardiya ang pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops na tumitimbang ng limang gramo at nagkakahalaga ng P600.00
Dinala ni Hagoot ang suspek sa Cubao Police Station 7 kung saan ikinulong ito habang inihahanda na rin ang isasampang kaso laban sa kanya na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Dolly Cabreza)