Dismayado ang minorya sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso dahil buhay pa ang mga nasa likod ng P6.4 bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa ­Bureau of Customs (BOC) habang ang pinagbibintangang drug runner ay biktima ng extrajudicial killings (EJK) tulad ng ginawa kay Kian Loyd delos Santos.

Sa press briefing kahapon, mariing kinondena ni House minority leader Danilo Suarez ang pagpatay ng pulis Caloocan kay Delos Santos dahil sa bintang na drug runner ito samantalang ang mga nagpaparating ng bultu-bulto ng shabu sa bansa ay hindi ginagalaw.

“‘Yung allegation na may 600 kilos ng shabu na ipinasok, hindi pinapatay.. hindi na- EJK.

Eh bakit hindi ‘yun ang unahin, ‘di ba? Eh, nakakainis na eh,” ani Suarez.

Hindi sinabi ni Suarez kung sino ang mga nasa likod ng drug smuggling na ito na naging dahilan para imbestigahan ng Kamara at Senado ang BOC na naging dahilan para palitan ni Pangulong Rodrigo­ Duterte si Commissioner Nicanor Faeldon.