Dear Atty. Claire,
Magandang araw po sa inyo Attorney.
Nakita ko lang po sa Abante online `yong conversation ninyo ng isang netizen asking about land title kaya naisipan ko rin po na magtanong sa inyo kaya po ako nag-email sa inyo.
Namatay na po kasi ang mother ko, at `yon pong nagpalaki sa kanya ay namatay na rin pero bago po ang lahat ay nakapagpagawa po ang matanda ng deed of sale na binili ng mother ko `yong lupa at bahay niya kaya mula po noon ay ang mga magulang ko na ang gumagastos sa bahay.
Buhay pa po ang tatay ko. Sa ngayon po dito na kami sa Manila nakatira dahil nandito ang hanapbuhay namin. Napagdesisyonan po ng father namin na ibenta na ang bahay at lupa ng mother namin.
Kasal po sila ng father ko at tatlo kaming magkakapatid. May bibili na po ng lupa at bahay namin, ano po ba ang unang-una naming dapat gawin?
Umaasa po ako sa inyong kasagutan. Maraming maraming salamat po.
Michelle
Ms. Michelle,
Nailipat na ba ang lupa sa pangalan ng nanay at tatay mo? Para kasing huminto kayo sa pagpapagawa ng deed of sale at pag-aasikaso at paggastos sa bahay.
Una mong alamin ay kung naibigay ba sa nanay at tatay mo ang titulo ng lupa kasabay noong gumawa ng deed of sale. Alamin din kung nababayaran ang amilyar nito kada taon. Dahil kung wala kayong hawak na lupa ay kakailanganin pa ninyong magpa-issue ng owner’s duplicate copy of the title.
Kung wala pa naman titulo na na-issue ng gobyerno at tanging tax declaration lang ang hawak ninyo ay tanungin ang buyer kung sapat na tax declaration lang ang patunay na kayo ang may karapatan sa lupa.
Isa pang maaaring maging usapin ay kung hindi pa naisalin sa pangalan ng nanay at tatay mo ang lupa ayon sa Register of Deeds o Assessor’s Office ay kakailanganin pa na ayusin ang pagta-transfer ng property na ito sa kanilang pangalan at magbabayad ng lahat ng tax sa Bureau of Internal Revenu (BIR) at Assessor’s Office.
Dahil namatay na ang nanay mo ay kakailanganin na ring gumawa kayo ng extrajudicial settlement of estate patungkol sa share ng nanay mo. Kailangan din na mai-publish ito at magbabayad kayo ng estate tax sa BIR.
Kung papayag naman ang buyer na diretso na mailipat sa kanya ang titulo ay kakailanganin naman ninyong gumawa ng extrajudicial settlement of estate with deed of sale pabor sa buyer pero magbabayad pa rin kayo ng estate tax at capital gains tax.
Bago magbenta ay kumpletuhin muna ang lahat ng dokumento.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624/8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.