Proteksyon ng mga mananakay ang adbokasya ni Poe

Muntik nang mawalan ng alternatibong masasakyan ang mga maralitang manggagawa at estudyante dahil sa bara-barang desisyon ng Technical Working Group ng Department of Transportation (DOTr) na ipatigil na ang pilot study ng mga motorcycle taxi. Kung natuloy kasi ito, tigil din ang pasada ng Angkas, JoyRide at Move It.

Mabuti na lamang at may ilang senador na nangalampag sa DOTr. Sa pangunguna ni Senadora Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, nabuking din ang mga sablay na dahilan ng TWG ng DOTr. Pinatigil daw ng TWG na pinamumunuan ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) board member Antonio Gardiola Jr. ang pilot study dahil sa kaliwa’t-kanan na asuntong tinatanggap nila mula sa Angkas.

Ibig sabihin, walang kinalaman sa safety ­record ng Angkas ang rekomendasyon ng grupo ni Gardiola sa pagpapatigil ng pilot study. Nawindang nga si Poe sa kanyang narinig sa mga resource person. Sinasabi kasi nila na 99% ang safety record ng Angkas pero nirekomenda nilang ipatigil ang pilot study. Kung ganun pala, balat sibuyas o bitter ang TWG. Pinairal nila ang kanilang emosyon imbes na ang resulta ng kanilang ­pag-aaral.

Sabi nga ng senador, dapat nang tigilan ng tropa ni Gardiola ang pagiging isip-bata. Nanggaling kasi sa LTFRB ang kanilang mandate na bumalangkas ng regulatory framework upang makabuo ng tamang rekomendasyon na siyang pagbabasehan ng Kongreso kung pagkakalooban ng prangkisa ang mga motorcycle taxi.

Wika nga ni Poe, kailangan pang ipagpatuloy ang pag-aaral para masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay sa motorcycle taxi. Wala pa kasing nakikitang malapitang solusyon sa ma­tinding trapik sa Metro Manila kaya ang pagsakay ng mga commuter sa motorcycle taxi ang pansamantalang ­solusyon para makaiwas trapik.

Halos kalahating milyong sasakyan kasi ang halos naka-park na sa EDSA kada araw. Mantakin nyo ba naman kasing 220,000 sasakyan lang ang kapasidad nito pero nadoble kaya hebigat palagi ang trapik. Mabuti na lang at may isang ­senador na katulad ni Poe na siyang nangangalaga sa kapananan ng mga mananakay.