NATULOY na ang matagal nang pangarap ng FDCP Chairperson Liza Diño na magkaroon ng isang proyekto na makapagbi­gay ng proteksyon sa film wor­kers lalo na sa mga maliliit na trabahador sa movie industry.

Nagkaroon ng pirmahan kahapon nang hapon sa Limbaga 77 (Quezon City) ng Memorandum of Understanding and Cooperation ng Film Development Council of the Philippines sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig para sa Social Protection of Film Workers.

Si Liza ng FDCP ang pumirma kasama si Ms. Olivia Zerrudo ng Pag-ibig Fund, meron din sa SSS at PhilHealth.

Dumalo rin doon ang ilan sa may malasakit sa movie industry na sina Direk Joel Lamangan, Cherry Pie Picache, Direk Bibeth Orteza, Bituin Escalante at Moira Lang.

Hangad ng kasunduang ito ang mabigyan ng proteksyon ang mga manggagawa sa film industry lalo na ang mga maliliit na nagtratrabaho kagaya ng make-up artist, gaffer, production assistant at utility.

Nabanggit ni Cherry Pie na napapag-usapan na ito sa tapings at nakikita niya kung gaano kasaya ang mga nasa maliit na trabahador dahil kahit paano ay nagkaroon sila ng proteksyon.

Pero hindi ito ganu’n kadali dahil malaking industriya ito na dapat nagkakaisa ang lahat mula sa producers, mga artista hanggang sa maliliit na trabahador.

Kaya doon na rin in-announce ni Liza Diño na magkakaroon ng National Registry para sa film workers.

Ilu-launch iyon sa National Film Workers Summit na gaganapin sa UP Film Institute sa August 30 at 31.

Sana, doon ay maayos na ang lahat at tuluy-tuloy na ito para matiyak na magkaroon ng proteksyon ang film workers.