Inaasahang matatanggap na ng mga consumers ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang refund sa P6.9 bilyong sobrang singil sa kuryente, tatlong taon na ang nakakaraan.

Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), alinsunod sa panukala ng Meralco ang refund ay ipatutupad sa loob ng tatlong taon o 36 na buwan subalit hindi pa ito pinahihintulutan ng ERC at iginigiit na gawin ito sa loob ng tatlong buwan.

Gayunman ay naniguro ang ERC na sa billing sa Hunyo ng mga Meralco consumers ay ipatutupad na ang power rate rebates o refund pero walang pang pinal na anunsyo.

Magandang balita ito para sa mga consumers ng Meralco na sobrang nalumpo sa ilang sunod na pagtataas ng singil sa kuryente dahil sa panahon ng tag-init.

Kaya sana ay tutukan na ito ng ERC at bigyan na ng direktiba ang Meralco na ipatupad ang pagre-refund dahil masyado nang mahaba ang panahong ipinaghintay ng mga consumers ng Meralco para mabawi ang sobrang singil sa generation at transmission charges na nangyari noon pang Enero 2014 hanggang Disyembre 2016.

Sa pagkakataong ito ay maipakita sana ng ERC ang kanilang malasakit sa consu­mers upang sa gayon ay mabago na ang impresyon sa kanila na nababalot ng katiwalian.

Hangga’t ang mga negos­yante ang binibigyang pabor ng ERC hinding-hindi mawawala ang pagdududa sa tanggapang ito ng gobyerno na nagpapagamit para sa kanilang personal na interes o kapakanan.

Kaya ang aming hamon patunayan ninyo sa taumbayan na gina­gawa ninyo ng tama ang inyong trabaho at kasama rito ang pagtutok sa mga kumpanyang may atraso sa taumbayan katulad ng makupad na pagsosoli ng refund sa kanilang mga consumers.