Tunay na pinangangalagaan ng gobyernong Duterte ang mga kabataang Filipino.
Hindi nga ba’t ang mga kabataan din ang dahilan kaya masigasig si Pangulong Rodrigo Duterte na tuldukan ang problema sa iligal na droga upang maisalba ang kinabukasan ng mga kabataan at hindi sila malulong sa ipinagbabawal na droga at madagdag sa tinatayang apat na milyon nating mga kababayang sangkot sa illegal drugs.
Pero alam n’yo bang maliban sa pangangalaga sa mga kabataan kontra iligal na droga ay protektado na rin ng gobyerno ang mga kabataan sa larangan ng paggawa o pagtatrabaho.
Pinalawak na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga bawal na gawain sa pag-eempleyo ng kabataan sa agrikultura at pangangalaga ng mga hayop.
May katumbas na parusang pagkakakulong ng 20-taon at multang aabot sa P1 milyon ang ipapataw ng DOLE sa mga lalabag na employer o kumpanya.
Ang hakbangin ay ginawa ng DOLE upang mailayo sa mapanganib na kondisyon sa paggawa ang mga kabataan.
Alinsunod sa Department Order No. 149-A ng DOLE, itinatakda na mapanganib at delikadong gawain ang pagsasaka para sa mga batang may edad 18-anyos pababa kung saan kasama rito ang mga gawain sa paghahalaman tulad ng grafting, budding and marcotting at paggagapas ng damo.
Pinagtitibay ng bagong kautusan ang ban sa pag-eempleyo ng kabataan sa mga gawaing agrikultura tulad ng paglilinis ng lupain, pag-aararo, irigasyon, pagtatayo ng pilapil at pagpuputol.
Idineklara ring mapanganib ang paghawak, pag-spray at paglalagay ng nakapipinsalang fertilizers, pesticides, herbicides at iba pang toxic chemicals, pagkakarga at pagbubuhat ng mabibigat na bagay.
Hindi rin pinapayagan ang mga kabataan sa mga gawain sa pag-aani tulad ng pagpuputol, pagpapatuyo, paghatak, pagtataas, pagsusunog ng tanim, at pagkakarga ng mga produkto.
Hindi rin pinapayagan ang iba pang gawain na kinakailangan ng pagkolekta, pagrarantso, pagkuha ng gatas at iba pang gawain tulad ng pagpapakete at pagproseso sa paggawa ng gatas at iba pang produkto, at iba pa.
Alagang–alaga sa pamahalaang ito ang mga kabataan na sa tingin ko ay tama lamang bigyan ng nararapat na atensyon dahil sila ang tunay na pag-asa ng bayan, kaya dapat ay sinusuportahan at pinangangalagaan ang kanilang kapakanan.