Protektahan ang ating mga health worker

Umaani ng batikos si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa nakadidismayang tugon ng kanyang administrasyon sa lumalalang krisis ng paglaganap ng COVID-19 virus sa bansa.

Hanggang Marso 11, minamaliit pa niya ang banta nito. “Naniwala pala kayo. Sus,” aniya sa isang talumpati.

Nang magdeklara siya ng enhanced community quarantine sa Metro Manila, pinili niyang palibutan ang kanyang sarili ng mga heneral ng Armed Forces of the Philippines, na animo’y nagdedeklara siya ng martial law. Pinakalat niya ang mga sundalong armado ng mga mahabang riple sa mga checkpoint. Bukambibig ni Duterte at kanyang mga opisyal, katulad nina DILG Sec. Eduardo Ano at NCRPO Director Debold Sinas ang banta ng pag-aresto sa mga lalabag sa lockdown.

Samantala, kinakapos ang administrasyon sa pagpapaliwanag kung ano ang mga hakbang na medikal at pangkalusugan na ginagawa nito upang masugpo ang paglaganap ng COVID-19.

Upang matigil ang `di kontroladong paglaganap ng coronavirus, hindi makasasapat ang paninindak at panunupil sa mamamayan, mga bagay na kinagigiliwan ni Duterte at kasanayan ng pulis at militar. Ito ang dahilan kung bakit panawagan ng mga militante ang “Solusyong medikal, hindi militar!”

Isang suliraning medikal na nangangailangan ng kagyat na pagtugon mula sa pambansang gobyerno ang pagtiyak sa proteksyon at pangangalaga sa kaligtasan at kalusugan ng ating mga frontline health worker – ang mga doktor, nurse, barangay health worker at iba pang manggagawang pangkalusugan.

Ilang mga doktor ang namatay na dahil sa COVID-19. Nakakuwarentina ang 503 staff ng UST Hospital dahil sa exposure sa mga pasyenteng may COVID-19.

Kritikal sa pangangalaga sa kaligtasan ng mga nangangalaga sa mga pasyente ang paggamit nila ng Personal Protective Equipment (PPE) – ang mask, gloves, face shield o goggle, gown, shoe cover, atbp., na magbibigay ng proteksyon sa pagkahawa mula sa maysakit. Sa kasamaang palad, nauubusan na ng PPE ang maraming mga ospital. Napipilitang dumiskarte ang ilang mga health worker na magpalitaw ng sarili nilang PPE, gamit ang garbage bag o kapote bilang hospital gown, at mga tinabas na bote ng mineral water bilang face shield.

Kung hindi mapangangalagaan ang ating mga manggagawang pangkalusugan, maaaring magkaroon tayo ng kakapusan ng mga doktor at nurse habang dumarami ang bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng pagkalinga dahil sa COVID-19. Kung galon, tataas ang bilang ng mamamatay dahil sa kakapusan ng mga kwalipikadong magbigay ng lunas.

Napakalaki ng sakripisyong hinihingi ng lipunan sa ating mga manggagawang pangkalusugan sa kasalukuyang panahon. Buhay nila ang nakataya. Kung hindi sila mabibigyan ng wastong PPE, para silang mga sundalong pinadadala sa giyera ng walang armas. Kailangang agad na lutasin ng gobyerno ang pagtiyak sa sapat na suplay at maagap na pamamahagi ng PPE sa kanila.