Kaye Dacer

Nakakabahala ang dumaraming insidente ng pangmamanyak laban sa mga kababaihan na lulan ng mga pampublikong sasakyan.
Patunay dito ang nag-viral sa Facebook na ipinaskil ng isang babae.

Nakatulog ang biktima sa pampasaherong jeepney dala ng pagod sa mga aktibidad sa eskuwelahan pero nagising na lamang ito na may humahawak na sa maselang parte ng kanyang katawan.

Ang malupit,hindi umano seksi o kamanyak-manyak ang suot na damit ng biktima para siya ay panggigilang bastusin.

Ang nasabing post ay nasundan ng marami pang naglahad ng hindi kanais-nais na sinapit sa kamay ng mga manyak sa loob ng pampublikong sasakyan.

Nakakabahala ang mga kaganapang ito dahil sa pampublikong lugar umaatake ang mga masasamang-loob.
Kaya ang tuwa ko nang mabalitaang may mga kumikilos na mambabatas para proteksyunan ang mga kababaihan.

Isa rito si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na nagsabing may mga umiiral ng batas na maaaring gamitin laban sa mga haras­sers ang problema lamang daw ay ang enforcement ng batas.

Kung may batas na pala laban sa mga nangmamanyak sa mga bebot sa tingin ko ang kailangan lamang ay palakasin ang information dissemination sa mga batas na ito para malaman ng mga kababaihan na may laban sila.

Kumbaga ay may kahihinatnan ang pag-abusong kanilang inaabot.
Maliban diyan may isinusulong na rin ang pagsasabatas sa Safe Street, Public and Online Spa­ces Act (House Bill 8794) o Anti-bastos bill na magpapataw ng parusa laban sa mga manyakis na umaatake sa mga pampublikong lugar mapa-kalye, public spaces at online.

Niratipikahan na ng Senado ang bicameral report patungkol dito noong Pebrero 6, 2019 at pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang.

Bukod sa ating mga nabanggit, tungkulin din ng bawat babae at lalakeng mga pasahero na kapag nakapansin ay sitahin, hulihin ang mga gumagawa ng kahalayan.

Napapanahon na para pataasin natin ang antas huwag ta­yong pumaloob lang sa konsepto na ang hina-harass lang ang may katungkulan na gumawa ng hakbang. Tayo bilang mga mamamayan, mulat na mga mamamayan ay gumawa din ng mga hakbang para bakahin ang mga ganyang ginagawa ng mga masasamang-loob.