Sa kabila ng ginawang suspensyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ay nakagastos ang Commission on Elections (Comelec) ng P200 milyon mula sa inilaang P6 bilyon.

Ang P200 milyon ay ginamit ayon kay Comelec spokesman James Jimenez sa pag-imprenta ng official ballots para sa nakanselang eleksyon na itinakda sa susunod na taon.

Nakapag-imprenta na ang National Printing Office (NPO), ayon sa Comelec, ng tinatayang 411,000 balota bago ibinaba ang utos ng poll body ang pagpapatigil nito noong Agosto 26 matapos umugong na malamang na maipagpaliban ang October 31 elections.

Nakakalungkot malaman na dahil sa mabagal na aksyon o ­desisyon sa kanselasyon ng barangay at SK elections ay nauna nang kumilos ang poll body bilang paghahanda sa eleksyon.

Dahil sa maagang paghahanda ay nauna nang gumastos ang Comelec ng P200 milyon partikular sa inisyal na pagpapalimbag ng mga balota na dapat ay gagamitin sa halalan.

Kaya sana ay maging leksyon sa poll body ang pangyayaring ito na bago magbigay ng go signal o makipagtransaksyon patungkol sa mga kakailanganin sa eleksyon ay maghintay muna ng pinal na ­desisyon upang walang naaksa­yang pondo.

Pero ayon nga sa Comelec ay may natitira pa naman itong sapat na pondo dahil P200M pa lamang ang nabawas sa inilaang P6B para sa sinuspindeng eleksyon.

Kanya nga lamang ang sa amin, hindi basta-basta ang P200M dahil marami itong magagawa sa pagtupad sa tungkulin ng poll body.

Kaya ang dapat gawin ng poll body bukod sa paghihintay ng pinal na desisyon sa mga itatakdang eleksyon ay tiyaking intact ang mga naunang naimprenta upang magamit pa sa darating na halalan.

Hindi porke may sapat na nakalaang pondo ay sige lang sa paggastos ang poll body. Kailangan ay proteksyunan ang inilalaang pondo sa komisyon dahil mula ito sa kaban ng bayan.