Kinalampag ng isang mambabatas ang gobyerno upang maprotektahan ang mga evacuees mula sa Mindanao na apektado ng karahasan laban sa mga mapang-abuso katulad ng mga galamay ng illegal recruiter at human trafficking.
Ang ganitong sitwasyon o pagkakataon kasi ang madalas na sinasamantala ng sindikato dahil ito ang panahong alam nilang marami ang nagigipit at kahit sa patalim ay kumakapit ang ating mga kababayan para lamang mabuhay.
Kaya sana ay maagapan ng pamahalaan ang mga nagbabadyang panganib sa ating mga kababayang evacuees.
Ngayon pa lamang ay sadyain na ang mga biktima ng kaguluhan sa Mindanao at alamin ang kanilang mga pangangailangan katulad ng trabaho.
Kung may mga sapat na programa na makatutulong upang manumbalik sa normal ang buhay ng mga kababayan nating biktima ng kaguluhan sa Mindanao ay ipatupad na sa lalong madaling panahon ng gobyerno upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang sindikato na mabiktima ang mga ito.
Sa ganito ring pagkakataon ay mahalagang mapalakas ng pamahalaan ang monitoring team sa Mindanao kung saan umiiral ang Martial law dahil sa mga lugar na kagaya nito ang puntirya ng mga illegal recruiters.
Sa ganitong paraan ay naipapakita ng pamahalaan ang proteksyon at pagpapahalaga sa mga kababayan nating biktima ng kaguluhan.