Protesta idinaan sa damit

Dahil bawal ang magprotesta na sumisigaw habang nakataas ang tikom na kamao sa loob ng Batasang Pambansa, idinaan na lang ng mga militanteng mambabatas sa kanilang damit ang kanilang saloobin laban sa administrasyong Duterte.

Suot ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang barong na may nakaburdang sapatos ng sundalo na may mukha ng mga tao at sa ilalim ay may nakasulat na “No To Martial Law”.

“Just and lasting peace, no to martial law” naman ang nakabalabal sa kulay pulang baro’t saya ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro.

Sa Barong Tagalog ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao ay mukha naman ng magsasaka na may nakataas na karit at nakikipaglaban sa tunay na repormang agraryo ang nakadisensyo.