Dinismis kahapon ng Supreme Court na nakaupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang petisyon ni dating Senador Bongbong Marcos na humihiling na ipawalang-bisa ang panalo at proklamasyon ni Vice President Leni Robredo.
Kaugnay nito, pinagtibay ng PET ang kredibilidad at katotohanan ng automated election system na ginamit noong Mayo 2016.
Sa resolusyon na may petsang August 29, 2017, sinabi ng PET na wala nang saysay para payagan ang pagpapatuloy ng First Cause of Action dahil wala rin itong epekto.
“To be sure, the Tribunal cannot allow this exercise to even begin especially if it were to consider the amount of resources and time it will demand from the Tribunal,” nakasaad sa desisyon ng PET.
Nakalagay din sa resolusyon na ang First Cause of Action ay maaari nang isantabi dahil sa praktikal na dahilan at mabilis na pagkilos ng kaso.
“We are happy that a resolution was issued by the Supreme Court denying or dismissing Mr. Marcos’ first cause of action,” wika ng pangunahing abogado ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal sa isang press conference noong Martes.
Bago rito, dahil sa kahilingan nito sa COMELEC na kunin ang kustodiya sa 92,509 vote counting machines at iba pang kagamitang ginamit sa 2016 election kaugnay ng kanyang protesta, dapat magbayad si dating Senador Ferdinand Marcos ng P2 bilyon na katumbas na halaga ng retention ng COMELEC para sa nasabing VCMs.
Sa urgent manifestation and motion na inihain noong Martes, binanggit ni Macalintal ang iba’t ibang manifestation ni Marcos na humihiling sa PET na atasan ang COMELEC na kunin ang kustodiya ng mga nasabing VCMs dahil nais niya itong isailalim sa “technical examination, forensic investigation, verification and analysis” na pinagbigyan ng PET nang maglabas ito ng Precautionary Protection Order noong June 12, 2016 na nag-aatas sa COMELEC na bantayan ang mga nasabing kagamitan.
“The same request and reason for retention of these VCMs was reiterated by Marcos’ lawyer George Garcia during the preliminary conference at the PET on July 11, 2017”, dagdag ni Macalintal.
Ito ng dahilan kaya hiniling ni Macalintal sa PET na agad resolbahin ang isyu kung dapat bang si Marcos ang magbayad ng P2 Billion para sa retention ng VCMs ng COMELEC.