Binawi ng Kamara de Representante ang ginawang approval sa second reading sa panukalang nagkakaloob ng provisional franchise sa ABS-CBN.

Ayon kay Deputy Majority Leader Wilter Palma, maraming mga kongresista ang gustong sumali sa debate o interpellation sa mga sponsor ng House Bill No. 6732, na nagpapahintulot sa ABS-CBN na makapag-operate ng hanggang Oktubre 31, 2020.

Isa na rito si Albay Rep. Edcel Lagman na pinuna ang naunang pag-apruba sa bill noong nakaraang Miyerkoles dahil nilabag aniya ng Kamara ang Saligang Batas.

Nabatid na noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng Kamara ang House Bill 6732 sa first at second reading sa parehong araw.
Ayon kay Lagman, nakasaad sa Saligang Batas na ang isang panukala ay dapat na aprubahan sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw.

Gayunman, kapag certified na `urgent’ ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ay maaring isagawa sa iisang araw ang pagpapatibay ng isang panukalang batas.

Gayunman, binigyan-diin ni Deputy Speaker Lray Villafuerte na hindi labag sa Konstitusyon ang kanilang naging hakbang.