PRRC makikipagtulungan sa Manila Bay Task force

 
Makikipagtulungan ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa Manila Bay Task Force na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapabilis ang rehabilitasyon ng look ng Maynila.

 

Binuo ang task force sa bisa ng Administration Order No. 16 at nilagdaan ni Duterte nitong Pebrero 19 para maipatupad nang mabilis at mapag-isa ang lahat ng pagsisikap sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

 

 

Pangunahing tungkulin ng PRRC ang paglilinis ng mga estero na kabilang sa daluyang tubig ng Ilog Pasig na nagdidiretso sa Manila Bay.

 

 

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia, tinatayang 50 pamilya ang nakatira sa tabi ng Estero de San Miguel malapit sa Pablo Casal Bridge sa Quiapo, Maynila na linggo-linggong nililinis ng PRRC river warriors.

 

“Kailangan talagang maging responsable tayo na iwasang magtapon ng basura, lalo ang plastik, sa lahat ng estero sa Metro Manila,” ani Goitia. “Wasto lamang na igalang at sundin natin ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil ang mga aksiyon niya ay para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.

 

Kabilang ang pamilya ni Nora Gimba sa mga pamilyang naninirahan sa tabi ng Estero de San Miguel.

 

“’Nung dati sinabihan na rin kami na i-relocate. ‘Yung iba tapos na, ‘yung iba hindi pa, tulad ko hanggang ngayon nandiyan pa… kung ako papipiliin, gusto ko dito muna kasi nag-aaral ‘yung mga ko sa Geronimo,” ani Gimba.

 

 

Tuloy-tuloy ang PRRC river warriors sa clean-up drive sa mga estero sa Maynila lalo’t ang mga basurang nakukuha sa mga daluyang tubig lalo ang plastik ay nagdidiretso sa Manila Bay.