Muling magkikita-kita ang matitikas na siklista sa bansa at sa Asya sa magaganap na PRUride PH 2019 na sisikad sa Filinvest City sa Alabang sa Abril at Subic, Zambales sa Mayo.
Tinatayang aabot sa 2,500 siklista ang sasalang sa 18 pahirapang categories, mayroon ding event na pang-pamilya tulad ng Strider Cup at No-Pedal Balance.
“We have the Strider Cup and then we have other side events na I hope maraming sasali,” sambit ni PRUlife Chief Marketing Officer Allan Tumbaga kahapon sa naganap na press conference sa The Brewery, Palace BGC.
Ipinagmalaki rin ni Tumbaga na ang PRUride PH 2019 ay isa nang UCI 2.2. accredited.
Mag-uunahan sa criterium race sa Abril 7 sa Filinvest, papadyak ang mga local talents sa magkakaibang kategorya tulad ng fixed gear, road bike, mountain bike at folding bike races.
Ang second leg ay pasisibatin sa Mayo 24-26 sa Subic Freeport ng PRUride UCI 2.2.
Magbabakbakan sa three-day stage race ang 20 top teams mula sa kalapit-bansa, paglalabanan ang individual, team at stage honors.
May paligsahan din para sa mga amateur cyclists, ang master’s single stage race kasama ang non-competitive Gran Fondo na 30, 60 o 100 kilometers.
Magkakaroon ng registration sa www.pruride.ph. kung saan lahat ng kasali ay magkakaroon ng jersey at tatanggap din ang lahat ng makakatapos ng finisher medal sa event na nakalaan ang mahigit P2M cash prizes na ipamumudmod.