PSA President award tatanggapin ni Yulo

Si Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo ang nagtala nng isa sa mga pinakamatagumpay na panalo ng Pilipinas sa sports sa nakalipas na taon.

Sumulat ng kasaysayan ang maskuladong 19-anyos na tubong Maynila nang manalo ng ­medalyang ginto sa men’s floor exercise ng 49th World Artistic Gymnastics Cham­pionships 2019 sa Stuttgart, Germany noong Oktubre 4-13.
Ang tagpo ay naglagay sa kanya bilang unang Pilipino at Southeast Asia gymnast na nakaginto sa world stage.

Kakambal pa ng tagumpay ng 4-foot-11 national athlete ang pagsungkit ng 2020 Tokyo Olympics slot nang lumagak na ika-18 sa individual all-around sa Stuttgat.

Kinumpleto ni Yulo ang makinang niyang taong 2019 sa gold din para sa nag-overall champion na Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games nitong Disyembre, ikalawang pagkakataon ng ‘Pinas sa 11-nation, 12-day sportsfest, una noong 2005.

Dahil sa paggiya sa PH ­gymnastics sa tugatog ng tagumpay at pagbibigay sa bansa sa pretihiyo at dangal sa sports, si Yulo ang gagawaran ng President’s Award sa gaganaping SMC-Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Mahahanay ang batang gymnast sa elite list ng personahe na unang binigyan nito ng ­sportswriting ­community gaya nina Manuel V. Pangilinan, ang multi-titled ­National University Lady Bulldogs team, billiards champions Rubilen Amit at Dennis Orcollo, pati si slalom racing champ Milo Rivera.

Ang nagawa ni Yulo ay naitala sa kasaysayan ng Philippine sports at isa sa inaasahang tatagal kaya walang ibang personahe ang ­nararapat sa award kundi ang bata, ayon kay PSA president at Manila Bulletin sports editor Tito S. Talao.

Ang pagsungkit muli ng Team Philippines ng SEA Games overall crown kung saan naging ­parte rin si Yulo, ang ­kikilalaning Athlete of the Year, award na ­ibinibigay lang ng mga bumubuo sa ­pinakamatagal nang media ­organization sa ­bansa sa gala night na ­ipipresenta ng MILO, Philippine Sports ­Commission (PSC), Cignal TV, Philippine ­Basketball ­Association (PBA), at Rain or Shine.

Ang Athlete of the Year at ­President’s Award ay dalawa lang sa mga tropeo na igagawad ng PSA para sa mga pangunahing ­personalidad at ibang kasamahan na nagbigay nang memorableng taon sa PH sports nitong 2019. (Lito Oredo)