Walang may gustong ipagbili ang Rizal Memorial Sports Complex base sa mga nakausap ng Phi­lippine Sports Commission mula sa mga ahensya ng gobyerno, ilang matataas na lider sa pamahalaan, atleta at miyembro ng kanilang pamilya.

Ito ang nag-udyok sa PSC Executive Board na pinangungunahan ni chairman Butch Ramirez para kanselahin na ang negosasyon sa pagbebenta sa 83-year-old national stadium. Inumpisahan ang negosasyon sa panahon ni Ricardo Garcia, pinalitan ni Ramirez.

“Ayaw ng Congress and we found out in the course of negotiations the RMSC is a heri­tage,” ani Ramirez kahapon pagkatapos ng contract signing nila ni PSC-Phil. Sports Institute National Training Director Marc Edward Velasco kay USANA Philippines and Indonesia vice president Aurora Mandanas-Gaston sa PhilSports Complex.

“It was not the price actually, it’s a matter of preserving the RMSC. I don’t want to be blamed by the athletes and people ‘pag time na umalis na ako and majority would love to preserve the place so the Board terminate­d the negotiations,” hirit pa niya.

Humingi rin ng inputs ang government sports agency kina Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Adviser on Sports Dennis Uy at ilan pang taga-Malacañang.

Para maging transparent ang  implementasyon ng partnership, sinabi ni Velasco na direktang ibibigay ang mga bitamina sa 300 atleta na ang ilan ay pa-29th SEA Games sa Malaysia sa buwang ito at sa susunod na taong Asian Games sa Indonesia.