Sa mga direktiba ng Department ng Department of Budget Management (DBM) na tigil muna ang mga proyekto (National Budget Circular 580) at ng Inter-agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases (EID) na pagbawal sa mga aktibidad habang may Enhanced Community Quarantine, maghihigpit-sinturon ang Philippine Sports Commission (PSC) upang matiyak ang pangangalaga sa mga miyembro ng national team.
Sa pangunguna ni Chairman William Ramirez, nagdaos ang mga pangunahing opisyal ng ahensiya ng virtual board meeting kahapon at tinalakay ang mga paraan at hakbang upang maipatupad ang mga obligasyon ng tanggapan.
Ipinahayag din ng PSC ang kanselasyon sa lahat ng sports activities nila hanggang Disyembre ng taong ito bilang pagtalima sa IATF.
Kasabay nito, binawi ng board ang tulong pinansiyal sa may dalawang ulit nang napagpalibang 10th
ASEAN Para Games 2019. Gayunman, tutuparin naman ng PSC ang naunang pangako sa APG organizing committee ang panimulang magagastos para sa kompetisyon.
“We heed the call of the national government to cut expenses as we reroute majority of our resources to fighting the pandemic, but we also stand by our commitment to keep supporting members of the national team,” esplika ni Ramirez.
Ipinahayag din ni Ramirez ang patuloy na pagbibigay ng allowances sa national athletes at coaches, at pinasalamatan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa tuloy-tuloy na remittances sa sports agency.
Pero sa kasalukuyang umiral na lockdown, lubhang naapektuhan ang kita ng PAGCOR, at ang pinagkakaloob sa PSC. “We continue to study projections and proposals and the board is ready to take necessary actions should they be needed,” anang sports chief.
Sinamahan nina Commissioners Fatima Celia Kiram, Ramon Fernandez, Arnold Agustin at Charles Raymond Maxey si Ramirez sa pulong. Gayundin nina Executive Director Merly Ibay, Deputy Executive Directors Dennis Rivera at Atty. Guillermo Iroy Jr., pati ni Chief of Staff Marc Edward Velasco. (RDC)