PSC naging ‘ghost town’

Maghihigpit na ang Philippine Sports Commission sa paggamit ng mga pinamamahalaang pasilidad dahil sa panga­nib na dulot­ ng nakamamatay na Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Ito ay matapos na ideklara ng World Health Organization ang COVID-19 bilang isang pandemic.

Agad naglabas ang PSC ng mga policy directive, isa na rito ang paglalagay sa dalawang malaking pasilidad na Rizal Memorial Sports Complex (Manila) at PhilSports Complex (Pasig) sa restricted access upang masiguro ang kaligtasan ng mga national athlete, employee at pati na publiko.

“We have to be pro-active in this situation and take these hard decisions for the safety of our athletes and employees,” paliwanag ni PSC Chairman William Ramirez, sa pag-atas sa Management Committee ng ahensiya.

Ang paglawak ng nakakamatay na virus ay lubhang tumaas kaya mula sa outbreak ay itinala ito na pandemic sa loob lamang ng ilang araw.

Maliban sa mga naghahanda para sa mga qualifying competition sa Olympics, lahat ng mga national athlete at mga miyembro ng junior team ay hiniling na pansamantalang magsiuwi dahil kailangan na bakantehin ang mga dormitory bilang parte ng prevention plan. (Lito Oredo)