Inatasan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang grupo ng mga espesyalista nila sa sports psychology upang tulungan ang mga atleta na malampasan ang epekto sa positibo at negatibong situwasyon ang pagkaka-postpone ng 2020 Tokyo Olympics sa taong ito patungo sa 2021.
Inatasanni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez kahapon ang mga sports psychologist ng ahensiya na tulungan ang mga atletang nag-qualified na at nagnanais pang makakuha ng slot sa Olympics matapos iusog noong Miyerkoles ang quadrennial sportsfest dahil sa coronavirus disease o COVID-19.
“We want to actively check on our athletes and conduct guidance counseling either online or by phone for now for our athletes who might need their support, given the challenges that resulted from these developments,” esplika ni Ramirez.
Sina Japan Prime Minister Shinzo Abe at International Olympic Committee (IOC) president Thomas Bach ng Germany ang mga nagpahayag sa hindi pagtuloy sa Tokyo Games sa parating na Hulyo 24-Agosto 9 sa Tokyo at sa halip ay tinakda sa tag-init ng 2021.
Apat pa lang sa kasalukuyan mula sa 85 atleta ng bansa ang nakasiguro ng kanilang silya sa Olympics. Sila ay sina World Artistics Gymnastics Championships men’s floor exercise gold winner Carlos Edriel Yulo na nagsasanay sa Japan, Universiade at Asian champion pole vaulter Ernest John Obiena na nakabase sa Fornea, Italy;
At ang mga boxer na sina Eumir Marcial sa men’s middleweight at Irish Magno sa women’s flyweight at nasa Cavite at Baguio matapos pansamantalang pauwiin sa kanilang mga pamilya dahil sa paglilinis at pag-lockdown sa mga pasilidad ng PSC. (Lito Oredo)