PSC tuloy ang serbisyo para sa mga atleta

Patuloy na magsisilbi ang Philippine Sports Commission (PSC) at tutulong sa mga national athlete kahit na isinaradong lahat ang pinamamahalaang mga pasilidad.

Personal na inatasan ni PSC Chairman William Ramirez ang iba pang mga opisyal ng ahensiya na ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa mga national player anuman ang nagaganap na situwasyon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“These are extraordinary times which call for extraordinary commitment and service from all of us,” paliwanag ni Ramirez kahapon habang iniutos ang patuloy na pagtulong sa mga natitirang atleta at coaches na nasa PhilSports Complex sa Pasig City.

Una nang inihayag ng ahensiya ang pag-lockdown nito sa dalawang malalaking pasilidad na Rizal Memorial Sports Complex sa City of Manila at PhilSports bilang pagtalima sa kautusan ng pamahalaan sa State of Public Health Emergency.

Lahat ng atletang mga nakatira sa nasabing pasilidad ay hiniling na umuwi muna sa kanilang mga pamilya habang ang iba pang mga natira na hindi nakatugon ay pansamantalang inilagay sa PhilSports dormitory.

Bibigyan pa rin ang mga naiwang atleta ng sapat na pagkain, recreation facilities, at medical monitoring.

Ipinaliwanag ni PSC Dormitory Manager Roselle Destura, na ang ilang atleta ay kailangang manatili sa pasilidad dahil hindi sila nakakuha ng kanilang ticket pauwi, nagkaubusan sa kanilang mga destinasyon.

Binubuo ito ng 28 atleta, apat na Pilipino coaches at dalawang Korean coach na mula fencing, boxing, athletics, at anim sa Para-sports sa PhilSports. (Lito Oredo)