PSC tutok na sa 2021 Vietnam SEA Games

Hiniling ng mga pambansang atleta na sana ay panatilihin at ipagpatuloy ng Philippine Sports Commission (PSC) ang kasalukuyang iniimplementa nitong pangangalaga, pagbibigay pahalaga at maagap na pagkalinga sa bawat isang miyembro na naging malaking bahagi tungo sa pagwawagi ng bansa sa titulo ng 30th Southeast Asian Games.

Ipinaalam ng 387 pambansang atleta ang kanilang hinaing kina Team Pilipinas Chef de Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez gayundin kay National Training Director at Philippine Sports Institute (PSI) chief Marc Edward Velasco sa pagkikita sa awarding of incentives sa Malakanyang.

“Magagawa natin iyan kung meron talaga tayong pondo,” sabi ni Ramirez, habang pinaghahandaan naman ang magiging kampanya ng bansa sa susunod na taon na 2020 Tokyo Olympics at 2021 Vietnam SEA Games.

“Kailangan natin malaman agad kung ano ang mga sports na gagawin ng host na Vietnam para matukoy din natin ang mga tutulungan natin na mga NSA at atleta,” sabi ni Velasco. (Lito Oredo)